Para sa milyong-milyong migranteng manggagawa, kabilang ang mga nasa construction sites, tinitiis nila ang matinding init ngayon ng panahon sa Middle East sa pagsisimula ng "summer."

"We work in very high temperatures, this is the nature of our work. And yes, we suffer from severe heat," sabi ng Indian national na si B. Sajay, construction worker sa Oman, ayon sa ulat ng Agence France Press.

Sa pagsisimula doon ng summer, umabot na ang temperatura sa 50 degrees Celsius (122 Fahrenheit) sa ilang bahagi ng rehiyon.

Dahil sa matinding init na tinitiis ng mga manggagawa na nasa labas ng mga gusali, posibleng silang makaranas ng dehydration, heat stroke o maging atake sa puso.

"The only thing that relieves us is the period of rest... in the middle of the day," sabi ni Sajay, na anim na taong nang nagtatrabaho doon.

Noong nakaraang taon, iniulat ng World Health Organization na dumoble o triple ang peligro ng pagkamatay ng mga manggagawa na nasa labas (outdoor workers) dahil sa matinding init ng panahon sa Kuwait.

Karamihan sa mga dayuhang manggagawa sa Middle East ay nasa construction sites, nangongolekta ng basura, tagawalis sa kalye o naghahatid ng pagkain.

Ang mga bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Bahrain at Oman, ipinagbawal ang pagtatrabaho sa labas ng apat na oras pagsapit ng tanghali mula June hanggang August dahil sa matinding init.

"In order to complete the eight-hour shift as early as possible, sometimes I start working from six in the morning, stop during the rest period, and then do two more hours," ayon kay Muhammad Mukarram, isang Bangladeshi construction worker.

Noong nakaraang Martes na unang araw ng idineklarang pagsisimula ng "summer" sa rehiyon, umabot sa 50 degrees Celsius init sa maraming lugar, kabilang ang Saudi Arabia and Kuwait, kung saan naitala noong Mayo ang hottest temperature sa mundo na 53.2 degrees Celsius (128.8 Fahrenheit).

"The last 10 years have been the hottest seen in Kuwait," ayon kay Kuwaiti meteorologist Issa Ramadan. "Summer in Kuwait now extends to September, and sometimes to parts of October."

Dahil sa matinding init, ilang grupo ang nababahala sa dumadaming manggagawa sa labas na namamatay na hinihinalang may kaugnayan sa "heat distress."

Pero walang malinaw na bilang ng mga migranteng manggagawa na namamatay sa mga bansa sa Gulf region na posibleng may kinalaman sa pagkakababad sa init ng panahon.

Sa pinakahuling pag-aaral ng Vital Signs Partnership, isang grupo ng human rights organizations na karamihan ay mula sa Asian countries, sinabing "as many as 10,000 migrant workers from south and southeast Asia die in the Gulf every year."

Sa March 2022 report, sinabing mahigit sa kalahati ng kasong naitala ay pumanaw daw dahil umano sa "natural causes" o "cardiac arrest." — AFP/FRJ, GMA News