Patuloy na pinag-iingat ng Philippine Consulate General sa New York ang mga Filipino doon dahil sa tumataas na insidente ng "hate crime" laban sa mga Asyano. Kabilang ang mga Pinoy sa nagiging biktima.

Sa inilabas na abiso ng konsulado, sinabing isang 51-anyos na Pinay ang pinakabagong biktima na pinagsalitaan ng masasakit at ginulo ng isang palaboy.

Nangyari umano ang insidente noong Sabado sa 63rd Drive Subway Station sa Rego Park, Queens.

Tinangka pa raw ng palaboy na pigilan ang Pinay na makasakay sa tren.

"This is the 42nd case of a hate-related incident or criminal act involving a member of the Filipino Community that was reported to or monitored by the Consulate since last year," ayon sa abiso.

"Kababayan residing in New York and those on temporary visits are reminded to always remain vigilant and to take the necessary precautions, especially when walking in the streets or taking mass transport," patuloy nito.

Pinayuhan ang mga Pinoy na makakaranas ng "hate incident" na kaagad na mag-report sa konsulado, "so that the consulate can more accurately assess the situation and issue timely advisories to help ensure the safety and security of members of the Filipino community.”

Ang mga Pinoy na mangangailangan ng tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa konsulado sa hotlines: +1-917-294-0196 and +1-917-239-4118. — FRJ, GMA News