Nagtapos na ang tatlong araw na welga ng mahigit 7,000 nurses sa dalawang ospital sa New York City— na apektado rin ang nasa 1,000 Filipino nurses.

Nangyari ito makaraang magkaroon ng kasunduan ang mga nurse at pamunuan ng mga hospital, ayon sa New York State Nurses Association (NYSNA) nitong Huwebes.

Sa ulat ng Reuters, nagbalik na sa kanilang mga trabaho nitong Huwebes ng umaga ang mga nurse sa Montefiore Medical Center sa Bronx at Mount Sinai Hospital sa Manhattan.

"Through our unity and by putting it all on the line, we won enforceable safe staffing ratios at both Montefiore and Mount Sinai where nurses went on strike for patient care," sabi ni NYSNA president Nancy Hagans.

Sinabi rin ng asosasyon na pumayag din umano ang Montefiore sa new language at financial penalties sa kabiguang sumunod sa safe staffing levels, community health improvements. Pati na sa nurse student partnerships sa pag-recruit ng local Bronx nurses.

Nagsimulang magwelga ang mga nurse noong Lunes nang mabigong magkaroon ng kasunduan sa negosasyon ang mga nurse at pamunuan ng mga ospital sa usapin ng sahod at staffing levels.

Dahil na nangyari, napilitan ang Montefiore na i-reschedule ang lahat ng elective surgeries at procedures, at kanselahin ang appointments sa ambulatory locations.

Ikinatuwa naman ni New York Governor Kathleen Hochul, ang pagkakasara ng kasunduan upang makabalik sa trabaho at mga nurse at matulungan ang mga pasyente.

Sinabi ng gobernador na makatutulong ang 3-year contract para matugunan nila ang healthcare workforce shortage, na may mas maayos na pasahod at kondisyon ng mga manggagawa.

Naniniwala rin si Hochul na makakahikayat ito ng mas marami pang health workers sabay sabing: "Know you are respected, know you are appreciated."

Itinuturing naman ng union officials at mga miyembro nito na "historic" ang naisarang kasunduan na pagkilala sa mga ginawa ng mga nurse lalo na sa panahon ng kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

"This is a big win for the patients," saad ng isang nurse sa Mount Sinai Hospital. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News