Sa kauna-unahang pagkakataon, iaalok ng sikat na Harvard University sa Amerika ang Tagalog course para sa taong 2023-2024. At para maisagawa ito, kukuha rin sila ng magtuturo nito.

Sa website ng Harvard Crimson, ang pahayagan ng unibersidad, nakasaad na kukuha ang Department of South Asian Studies ng tatlong magtuturo para sa Tagalog, Bahasa Indonesian, at Thai.

Ayon kay Executive Director Elizabeth K. Liao, tatlo hanggang limang taon ang maaaring maging termino ng makukuhang tagapagturo.

Kasalukuyang itinuturo na sa unibersidad ang Thai at Indonesian language pero wala pa ang Tagalog, na ika-apat umano sa pinaka-ginagamit na salita sa Amerika.

Ayon kay James Robson, professor ng East Asian Languages and Civilizations at director ng Asia Center, inabot ng dalawang taon bago sila nakakuha ng pondo para sa magtuturo ng Tagalog sa unibersidad.

Pero aminado siya na baka hindi sumapat ang nakuha nilang pondo para sa pangmatagalang pagtuturo nito.

“What I’m hoping is that if we can demonstrate that there’s demand for these languages and students show up and are excited about it, then hopefully we can also use this to convince the administration to further support Southeast Asian studies generally and language instruction in particular,” sabi ni Robson.--FRJ/KG, GMA Integrated News