Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na tatlo pang Pinoy, na kinabibilangan ng isang online influencer, ang nasagip at naiuwi na sa bansa matapos mabiktima ng human trafficking at ginawa umanong online scammer sa Myanmar.
Sa inilabas na pahayag nitong Martes, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, na nasa edad 20s at 30s, ang mga biktima na naiuwi na sa Pilipinas mula sa Myanmar noong June 15.
Ayon umano sa mga biktima, una silang hinikayat na magtatrabaho sa business process outsourcing (BPO) firm sa Thailand. Pero inilipat sila sa Yangon, Myanmar sa isang pseudo-call center agency na sangkot umano sa online scamming.
Umalis umano ang tatlo sa Manila noong Abril at nagpanggap na mga turistang mamasyal lang sa Singapore.
“One of the victims was even an online influencer, with more than 10 thousand subscribers,” ani Tansingco sa pahayag.
Pinaalalahanan muli ng opisyal ang mga nais na magtrabaho sa ibang bansa na huwag aalis sa Pilipinas na magpapanggap na turista. Sa halip, makipag-ugnayan umano sa Department of Migrant Workers (DMW) para makakuha ng lehitimong trabaho sa abroad.
“Huwag matigas ang ulo. Napakarami nang nabiktima, paulit-ulit na ang mga nangyayari sa kanila,” anang opisyal ng BI.
“Leaving as tourists makes you more vulnerable, and we have received reports of victims being physically abused by these traffickers. If you wish to work abroad, do so legally, through the Department of Migrant Workers,” dagdag niya. — FRJ, GMA Integrated News
