Dahil nalalapit na ang holiday season, nagpaalala ang Bureau of Customs (BOC) sa mga overseas Filipino worker at sa mga Pinoy abroad na piliin ang mga accredited cargo forwarder kapag magpapadala ng kanilang balikbayan boxes sa Pilipinas upang maiwasan ang mga aberya.

Ayon kay BOC spokesperson Vincent Maronilla, maaaring makita ang listahan ng mga accredited cargo forwarder sa website ng Department of Trade and Industry (DTI).

“Pakitingnan ang DTI website o kaya mag-exercise ng extraordinary diligence sa pagpili ng consolidator o ng mga forwarders kung saan pinagdadalhan ‘to. Piliin natin yung meron nang sapat na reputasyon, karanasan, at makikita naman sa DTI ang list ng mga accredited consolidators,” paalala ng opisyal sa public briefing nitong Miyerkules.

Sinabi pa ni Maronilla na maaari ding makipag-ugnayan sa mga Pinoy abroad at OFWs sa Door-to-Door Consolidators of the Philippines (DDCAP) para makakuha ng rating ng shipments.

“Meron din silang sariling pagbabantay sa kani-kanilang miyembro para maiwasan natin ang issues sa pagpapadala ng balikbayan boxes na maloloko at hindi mapapadala sa ating mga mahal sa buhay,” dagdag niya.

Nitong nakaraang taon, naging isyu ang mga balikbayan box [lalo na ang galing sa Middle East] na natengga sa BOC dahil inabandona ng forwarder.

Gumawa ng paraan ang BOC para maipadala pa rin ang mga naturang kahon sa pamilya ng mga OFW. (READ: Inabandonang mga balikbayan box, BOC na ang maghahatid sa pamilya ng mga OFW). —FRJ, GMA Integrated News