Nagtirik ng kandila sa tabi ng larawan ni Marjorette Garcia ang kaniyang pamilya sa Dagupan City, Pangasinan habang hinihintay nila na maiuwi ang kaniyang mga labi makaraang makita ang kaniyang bangkay sa Saudi Arabia na mayroon umanong saksak.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, makikita ang matinding kalungkutan kay Tita Gonzales dahil sinapit ng 32-anyos na si Marjorette, na pangalawa sa pito niyang anak.
"Maya't maya natutulala ako. Minsan naglalakad ako diyan naiiyak na ako. Iniisip ko yung anak kung paano siya pinatay," umiiyak na sabi ni Tita.
"Kasi ang liit na babae nun eh, payat na payat yung anak ko," patuloy niya.
Ang kapatid ni Marjorette na si Dennis, sinabing Setyembre 15 niya nang huling makausap ang kaniyang ate at nagbibiruan pa umano sila sa telepono.
Nanawagan ang pamilya na mabigyan sana ng hustisya ang sinapit ni Marjorette na hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa KSA.
"Panawagan ko sana sa gobyerno natin mabigyan sana ng hustiya ang anak ko. Lumitaw po kung sino talaga ang may sala at saka mapauwi ng maaga yung anak ko. Gustong gusto na namin siyang makita," panawagan ni Tita.
Sa isang pahayag nitong Lunes, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagkamatay ni Marjorette na naging domestic worker noong 2021.
Masusi umanong nakikipag-ugnayan ang DMW sa pamamagitan ng Migrant Workers Office sa Al-Khobar Saudi Arabia (MWO-Al Khobar) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa koordinasyon sa Philippine Embassy, at pulisya sa KSA, upang malaman ang tunay na nangyari kay Marjorette.
Nakikipag-ugnayan din umano ang MWO-Al Khobar at OWWA sa pamilya ni Marjorette para sa mabilis na pag-uwi sa kaniyang mga labi.
"We assure them of our continuing support during their time of grief and in the ongoing investigation," ayon sa DMW. --FRJ, GMA Integrated News