Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na pinalaya na rin ng Hamas group sa Gaza Strip ang natitirang Pinoy na binihag ng grupo nang salakayin nila ang Israel noong Oktubre.

Sa post ni Marcos sa X (dating Twitter), nitong Miyerkoles, kinilala niya ang ikalawa at huling Pinoy na bihag ng Hamas na si Noralyn Babadilla.

"Just days after expressing concern for Noralyn Babadilla's whereabouts, I am very happy to announce that Noralyn is safely back in Israel, becoming the second Filipino released from Gaza," ani Marcos.

"With this positive development, I am pleased to inform the nation that all Filipinos affected by the war have been accounted for," dagdag ng pangulo.

Ayon kay Marcos, inatasan niya ang Philippine Embassy sa Tel Aviv na ibigay kay Babadilla ang mga kailangan tulong nito sa pakikipag-ugnayan na rin sa Israeli authorities.

Pinasalamatan ng pangulo ang Israeli government sa tulong nito sa mga Pilipino doon, gayundin sa pamahalaan ng Egypt at Qatar na naging bahagi ng negosasyon ng Israel at Hamas.

Sa hiwalay na pahayag, ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapalaya kay Babadilla. Nagpapasalamat ang kagawaran sa Qatar sa naging papel nito bilang tagapamagitan sa negosasyon.

Nagpasalamat din ang DFA sa Israel, "for agreeing to the conditions which facilitated the release of more hostages including Ms Babadilla, and for all their assistance they have provided our nationals in Israel."

"We also recognize the support and participation of Egypt as well as the ICRC and other international organizations in the process," dagdag nito patungkol sa International Committee of the Red Cross.

Bago si Babadilla, unang pinakawalan ng Hamas ang Pinoy na bihag din na si Jimmy Pacheco.

Ayon sa DFA, hindi batid ni Pacheco kung mayroon pang kapuwa niya Pilipino na bihag noon ang Hamas.—FRJ, GMA Integrated News