Labis ang kasiyahan at itinuturing maagang pamasko ng mga kamag-anak ng OFW na si Noralyn Babadilla ang pagpapalaya sa kaniya ng grupong Hamas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, inihayag ng mga kaanak ni Babadilla sa Mataasnakahoy, Batangas, na hindi sila nawalan ng pag-asa na buhay siya matapos mawala nang sumalakay ang Hamas sa Israel noong Oktubre 7.

Kuwento ng mga kaanak ni Babadilla, bago ang pag-atake ay nakausap pa nila ang OFW at sinabi nito na hindi siya makakauwi sa Pilipinas.

Ayon kay Gerald Agojo, nagtungo ang kaniyang tiyahin na si Babadilla sa Kibbutz Nirim kasama ang mga kaibigan nito nang mangyari ang pag-atake ng Hamas.

"Mga friend 'yung kasama niya doon. Bale, parang umattend sila ng party doon that time, and then biglang nangyari 'yung pagpasok sa kanila ng mga Hamas," ani Gerald.

Tatlong dekada na si Babadilla sa Israel na nagtatrabaho doon bilang caregiver at isa na ring Israeli citizen. Nitong Martes ng gabi, kasama siya sa bagong grupo ng mga bihag na pinalaya ng Hamas.

 Ang tiyahin ni Babadilla na si Mary, sinabing kumapit sila sa pag-asa at dasal na buhay ang kanilang kaanak matapos na hindi makontak mula nang mangyari ang pagsalakay ng Hamas.

"Ang aking iniisip eh, Panginoon. Hindi ko inisip na siya eh namatay, hindi ko inisip na hindi na siya makakabalik," sabi ni Mary.

Dagdag naman ng pinsan na si Matilde Orense, "Hindi ako nawalan ng pag-asa dahil hindi naman nakita ang bangkay, wala namang nakakapagsabing nasunog, walang nakakapagsabing nakita siya doon. Kaya habang may buhay may pag-asa."

Para sa kanila, maaga at pinakamasayang pamasko ang ligtas ng paglaya ni Babadilla.

"Ito na siguro 'yung pinaka-advanced at pinakamasayang regalo sa Christmas na ibinigay ng Panginoon," sabi ni Gerald.

"Sabi k,o eh, siya, eh… maraming salamat sa Panginoong Diyos at 'yan lang naman ang hinihiling ng buong mundo lalo't higit ang kabarangay kamag-anak natin ay salamat at siya ay nakita na," ayon naman kay Mario Babadilla.

Sa ulat naman ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras,” sinabing sumasailalim sa medical assessment si Babadilla sa Israel kasama ang iba pang pinalayang bihag.

“We are very grateful. There was no consideration other than simply, goodwill. Wala ‘yung babayaran namin para mas mabilis. No, nothing like that,” ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.

Samantala sa isang video, tiniyak naman ni Jimmy Pacheco, ang unang Pinoy na pinalaya ng Hamas, na maayos ang kaniyang kalagayan bagaman pumayat siya habang bihag ng Hamas.

“Natural lang na mamayat ka kasi hindi naman po enough yung food na ibibigay sayo. Tsaka about sa doktor po, about sa kalagayan ko, ok naman po... lalong-lalo na mentally. Ok naman po,” ani Pacheco.

Masaya si Pacheco na makakauwi siya sa Pilipinas sa Pasko na anim na taon na niyang hindi nagagawa.

“Nung nasa city pa ako ng Gaza, wala na akong pag-asang mabuhay at makabalik sa pamilya ko. Humuhugot lang ako ng lakas sa Panginoon dasal ako nang dasal at pangalawa sa mga anak ko, kaya ko ito kako,” ayon kay Pacheco.-- FRJ, GMA Integrated News