Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na dinakip ang dalawang Pilipino sa Japan matapos madiskubre ang mga bangkay ng isang mag-asawang Hapon sa Tokyo. Ang mga Pinoy, nasa mabuting kalagayan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nilinaw ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na dahil sa abandonment at hindi sa pagpatay ang ginawang pag-aresto sa dalawang Pilipino na isang babae at isang lalaki.

Base sa ulat ng kyodonews.net, nakita ang Pinay sa CCTV sa lugar kung saan nakita ang mag-asawang Hapon.

Nakita rin sa lugar ang lalaking Pinoy, ngunit hindi malinaw kung magkakilala sila ng Pinay.

Maaring kasuhan sa Japan ang sinoman ng abandonment kapag hindi iniulat sa pulisya na may nakita silang bangkay.

Samantala, sinabi naman ni DFA Deputy Assistant Secretary Bryan Lao sa panayam sa Balitanghali na nasa mabuting lagay ang mga inarestong Pinoy.

“Ang latest information natin is maayos ang lagay ng ating dalawang kababayan doon,” sabi ni Lao.

Ayon kay Lao, nabisita ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Japan si Hazel Ann Baguisa Morales, isa sa mga inarestong Pinoy, sa estasyon ng pulisya noong Martes.

"Nabisita ng ating Embassy sa police station si Hazel Ann, binigyan ng very limited time, about 20 minutes lang 'yung panahon na binigay sa ating embahada, pero nakausap nila at na-ascertain naman kalagayan niya," sabi ni Lao.

Ayon pa kay Lao, may abogado na si Morales, na itinanggi ang mga akusasyon laban sa kaniya.

"She assures her family that she is alright," sabi ni Lao tungkol kay Morales.

Kinilala ang mga bangkay ng Hapon na sina Norihiro Takahashi, 55, at asawa niyang si Kimie, 52.

Sinabi ni Lao na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad matapos iulat ng anak ng mag-asawa na nawawala ang kaniyang mga magulang. Hanggang sa matagpuan ang mga katawan ng mga ito na nakabalot sa plastic.

"In the course of the investigation they reviewed some security footage at doon nga nakita na 'yung ating kababayan ay nasa premises," sabi ni Lao.

Hindi pa nakukumpirma kung magkakilala ang dalawang arestadong Pinoy, ayon sa opisyal. — VBL, GMA Integrated News