Nadakip ng mga awtoridad sa Dubai, United Arab Emirates ang isang Pinoy na nagawang ipagpatuloy ang operasyon ng kaniyang kalaswaan kahit wala na sa bansa. Ang kaniya umanong nabiktima, umabot sa mahigit 100.
Sa impormasyon mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kinilala ang suspek na si Teddy Jay Mojeca Mejia, na sangkot sa sexual exploitation at nagbebenta ng mga materyales na nagpapakita ng mga kabataan na gumagawa ng kalaswaan.
Umabot umano sa 111 ang natukoy na biktima ng suspek.
Ayon sa awtoridad, hanggang nitong September 9, umabot na 22 sa mga biktima ang nasagip sa magkakahiwalay na operasyon sa Nueva Vizcaya; Quirino provinces; Taguig City; Bacoor, Cavite; Marilao, Bulacan; La Union; at Baguio City.
Ibinebenta umano ng suspek ang mga malalaswang materyales sa Telegram sa 19 na dayuhan mula sa 10 bansa, at tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng online wallets.
Tinatakot umano ng suspek ang mga biktima na ipakakalat ang kanilang mga hubad na larawan at videos kapag hindi sinunod ang utos na gumawa ng kahalayan.
Umalis ng bansa si Mejia at nagpunta sa Dubai noong 2021, at mula noon ay hindi na bumalik sa Pilipinas.
Dating naaresto si Mejia noong 2014 at 2015 para sa paglabag sa Anti-Child Abuse Law and Anti-Photo and Video Voyeurism.
Nadakip ang suspek sa Dubai sa pamamagitan ng Red Notice na inilabas ng Interpol. Nasa Red Notice list din ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mejia.
Nahaharap siya sa mga kasong statutory rape, qualified trafficking in persons, at paglabag sa RA 11930 o Anti Online Sexual Exploitation of Children and Anti Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalor Jr., na iuuwi sa Pilipinas ang suspek.
"Ang tagumpay na ito ay isang napakalaking hakbang sa matinding laban ng gobyerno kontra human trafficking at sa maigting na pagprotekta sa ating mga kabataan mula sa mga mapag-abuso," saad ng kalihim.-- FRJ, GMA Integrated News