Apat na Pilipino ang hinahanap matapos tumama ang malakas na lindol sa Myanmar nitong Biyernes, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Linggo.

"Ang huling detalye, apat ang unaccounted for [na Pilipino]," sabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Ayon kay De Vega, dalawa sa kanila ay mag-asawa na nakatira sa isang gusali na gumuho nang tumama ang magnitude 7.7 na lindol.

Mga professional umano ang mga nawawala na nagtatrabaho sa Myanmar bilang mga guro o office worker.

"'Yung Myanmar, nanghihingi sila ng tulong sa ibang bansa. Maraming namatay... Ipagdasal natin mga kababayan natin du'n," pahayag ni de Vega.

Sinabi naman ng opisyal na walang Pilipino na nasawi sa Thailand, na naramdaman din ang malakas na yanig ng lupa.

"Sa Thailand, wala po [Pilipinong nasaktan o nasawi]... Hindi naman bumagsak ang buildings doon. More or less, bumabalik na sa normality [ang sitwasyon sa Thailand]," ani de Vega.

Sa ulat ng Reuters, umabot na sa mahigit 1,600 ang nasawi sa Myanmar dahil sa lindol.

Naghahanda naman ang Pilipinas ng humanitarian aid na ipadadala sa Myanmar.

"We stand in solidarity with Myanmar during this difficult time. The Philippines is ready to respond to the urgent needs of our neighbors, and we are mobilizing resources to provide assistance as quickly as possible,” ayon kay Defense Secretary and National Disaster Risk Reduction and Management Council  chairman Gilberto Teodoro Jr.

"Our thoughts and prayers are with the people of Myanmar. The Office of Civil Defense, along with other government agencies, is committed to assisting Myanmar, drawing from our experience in providing immediate aid during the recent earthquakes in Turkey and Syria,” dagdag ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Inatasan naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) na maghanda sa kanilang pag-alis sa sandaling makakuha ng request at makompleto ang international coordination protocols mula sa dalawang bansa.

Ang naturang grupo umano ang ipinadala rin sa Turkey nang maganap doon ang malakas na lindol noong 2023.

Sinabi naman ni De Vega na maaaring makipag-ugnayan ang mga Pinoy sa Thailand na kailangan ng tulong sa Philippine Embassy in Thailand sa hotline +66 81 989 7116, habang ang mga Pinoy sa Myanmar ay maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy in Yangon sa hotline +95 998 521 0991. —FRJ, GMA Integrated News