Nagbigay ng babala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko tungkol sa umano'y isang bagong uri ng cryptocurrency scam na mga Pinoy migrant sa Amerika ang puntirya.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, isa sa mga nailigtas na Pinoy mula sa mga scam hub sa Myawaddy, Myanmar ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa isang bagong scheme na niloloko ng mga scammer ang mga biktima upang mag-invest sa mga pekeng cryptocurrency accounts, na may pangako na mataas na kita at maliit lang o halos walang panganib na malugi.
Target umano ng naturang panloloko ang mga Pinoy migrant sa US, at gumagamit ng iba't ibang taktika, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa kanilang target sa pamamagitan ng social media upang hikayatin silang mag-invest.
Kapag nakapagpadala o nakapaglipat na ng pera mga biktima, maaaring manipulahin ng mga scammer ang account balances upang magpakita ng pekeng kita at kumbinsihin pa ang mga biktima na magdagdag ng investment.
Pagkatapos nito, maglalaho na ang mga scammer, pati na ang ipinasok na pera ng biktima dahil hindi na nila mawi-withdraw ang inaakala nilang kita sa investment.
“We wish to send this warning to our kababayans abroad not to fall prey to this new modus,” pahayag ni Viado.
“The IACAT (inter-agency council against trafficking) is working to ensure that those who continue to victimize Filipinos face the harshest penalties of the law,”dagdag pa ng opisyal.
Noong nakaraang linggo, nadakip ng mga awtoridad ang dalawang tao na sangkot umano sa recruitment, at isa sa kanila ay itinuturing "developer" ng bagong scam trend.
Kusang nag-alok umano ang suspek para gumawa ng bagong module ng scheme na target na lokohin ang mga Filipino-American. — mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News

