Pinawi ng opisyal ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan ang mga pangamba sa harap ng ginagawang military exercises ng China sa palibot ng isla, na itinuturing nilang bahagi ng kanilang bansa.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni MECO chairperson and Resident Representative Cheloy Garafil na may contingency plan na nakahanda sakaling mangyari ang ''Taiwan invasion'' na matagal nang banta ng Beijing.
Ayon kay Garafil, ikinalulugod nito ang pahayag ni Armed Forces chief General Romeo Brawner Jr. na dapat maghanda ang Northern Luzon Command para tumulong upang ilikas ang mga Pilipino sa Taiwan kapag sumiklab ang kaguluhan.
''However, there is no cause for alarm because everyone here in Taiwan is conducting business as usual. Filipinos here in Taiwan are used to reports of China's presence around the territory,'' ani Garafil.
''MECO and the Department of Migrant Workers-Migrant Workers Office (DMW-MWO) have a Contingency Plan in place, which is ready to be activated in any emergency situations,'' dagdag niya.
Sinabi rin ng MECO na may koordinasyon sila sa mga awtoridad ng Taiwan tungkol sa usapin ng seguridad.
''But at the moment, there’s no need to worry because we are generally safe and [secured] here,'' sabi pa ni Garafil.
Nitong Martes, sinabi ng komunistang China na ipinadala nila ang kanilang army, navy, air at rocket forces upang paligiran ang demokratikong Taiwan sa isinagawa nilang pagsasanay para harangan ang isla.
Ayon pa sa Beijing, ang military drills ay "stern warning and forceful deterrence" sa mga umano'y separatists sa Taiwan na nais na tuluyang kumalas sa China. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

