Nahuli-cam ang huling sandali bago gumuho ang gusaling tinutuluyan ng apat na Pinoy teachers na nawawala pa rin sa Myanmar dahil sa pagtama ng malakas na lindol noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa video na unti-unting bumabagsak ang mga bahagi ng Sky Villa condo building sa Mandalay matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol.

Kasabay nito ang paglamon ng makapal na alikabok sa paligid ng gusali kung kung saan tumutuloy ang apat na Pilipino na patuloy na hinahanap.

Isinasagawa pa rin ang search and rescue operation sa iba't ibang bahagi ng Myanmar. Kasama sa tumulong sa paghahanap sa mga nakaligtas sa mga guho ang ipinadalang humanitarian team ng Pilipinas.

Nasa mahigit 3,000 na ang iniulat na nasawi sa lindol na nakaapekto rin sa kalapit nitong bansa na Thailand.

Kamakailan lang, isang grupo mula sa Philippine Embassy ang dumating sa Mandalay at nagtungo sa mga ospital kung saan dinadala ang mga survivor at biktima ng lindol.

Umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na buhay nilang mahahanap ang apat na nawawalang Pilipino.

“We can’t definitively say they are under the rubble [ng Sky Villa] , but we’re exploring all possibilities, including that possibility,” ayon kay Undersecretary Ed De Vega mula sa Office of Migration Affairs ng DFA.

Nagbibigay din sa kanila ang pag-asa ang naging karanasan sa 1990 Baguio earthquake na may nasagip na biktima mula sa guho ng gusali makaraan ng ilang linggo matapos ang pagtama ng lindol.

“The encouraging news from the Pines Hotel was that two weeks later, they discovered survivors in the debris. We’re praying for a similar outcome here,” sabi DFA Assistant Secretary Robert Ferrer sa isang ulat. -- FRJ, GMA Integrated News