Hiniling ng Philippine contingent na nasa Myanmar ngayon para tumulong sa mga biktima ng lindol na payagan silang makapunta sa Mandalay na kinaroroonan ng apat na Pinoy na nawawala matapos gumuho ang gusali na kanilang tinutuluyan nang tumama ang malakas na lindol.
“Meron po kasi tayong pending request sa Myanmar…Hanggang sa ngayong araw na ito, hinihintay pa rin natin ang tugon ng Myanmar dito,” sabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Atty. Chris Noel Bendijo, tungkol sa hangarin ng Philippine contingent na hanapin ang mga nawawalang mga Pilipino.
Ayon kay Bendijo, mula sa search and rescue, magiging retrieval operation na ang gagawin sa paghahanap sa mga biktima ng lindol na pinaniniwalaang natabunan ng mga gumuhong gusali.
“Sana mapagbigyan pa rin tayo para makapag-participate pa rin tayo. Kahit retrieval operations na po 'yung sinasabi ng Myanmar ay sana po payagan ang Philippine contingent na makapunta sa Mandalay,” pahayag ng opisyal.
Sinabi ni Bendijo na nitong Linggo inanunsyo ng pamahalaan ng Myanmar na lilipat na sa retrieval ang isasagawang operasyon sa paghahanap sa mga nawawala pa.
“Hinihintay po natin 'yung magiging kahulugan nito dahil they are asking for demobilization of the contingent teams from different countries,” sabi ni Bendijo.
“To our understanding, 'yun pong ating Philippine medical assistance teams will be staying until April 10. Pagkatapos po saka lang magpe-prepare for coming back to the Philippines,” dagdag niya.
Dati na umanong hiniling ng Pilipinas sa Myanmar na ipadala ang Pinoy contigent sa Mandalay kung saan nakatira ang nawawalang mga Pinoy pero hindi ito pinagbigyan.
Sinabi ni Bendijo na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa at umaasa sila sa himala para sa mga nawawalang apat na Pinoy.
Marso 28 nang tumama ang magnitude-7.7 na lindol sa Myanmar, umabot na ngayon sa 3,471 ang nasawi, 214 ang nawawala, at 4,671 ang sugatan.
Abril 1 at 2 nang magkasunod na dumating sa Myanmar ang Philippine contingent na mayroong 89 miyembro para tumulong sa disaster response at relief mission para sa mga biktima ng lidol.—FRJ, GMA Integrated News
