Inaresto ng mga awtoridad ang isang 43-anyos na Pinoy at kinasuhan ng "endangering the welfare of a child under the age of 17" dahil sa pagpapadala umano ng text messages at tangkang makipagkita sa isang 12-anyos na babae sa New York, USA. Ang mga alegasyon, itinanggi ng abogado ng suspek.
Kinilala ng New York Police Department (NYPD) sa New Springvilleng ang dinakip na Pinoy na si Glennon Salvador Payabyab, na naghain naman ng not guilty plea sa alegasyon laban sa kaniya na dinidinig sa Richmond Criminal Court.
Noong March 31, nagsumbong ang ina ng batang babae sa 121st Precinct ng NYPD kaugnay sa umano'y palitn ng mga mensahe ng kaniyang anak at kapitbahay nilang Pinoy na suspek.
Sa court documents, lumalabas na nasa 20 text messages ang ipinadala ni Payabyab sa bata sa pagitan ng Lunes hanggang Huwebes. Tinangka pa umano ng Pinoy na makipagkita sa bata.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, nakumpirma na mula sa cellphone number ni Payabyab galing ang mga text message na pinadala sa bata.
Sa tulong ng Protect Our Child organization at NYPD, minanmanan nila ang naturang pagtatagpo ng dalawa. Nang dumating si Payabyab sa lugar kung saan dapat katatagpuin ang bata, inaresto na siya.
Sa isang pahayag, mariing itinanggi ng abogado ni Payabyab na si Atty. Kyle Peter, ang mga paratang laban sa kaniyang kliyente.
“These are deeply troubling allegations, but they are mere allegations that Mr. Payabyab vehemently denies. Mr. Payabyab is a respected member of the community with no criminal history or prior accusations of wrongdoing," pahayag ni Peter.
Habang nakabinbin ang pagdinig sa kaso laban sa kaniya, pansamantalang pinalaya ng hukuman si Payabyab sa ilalim ng ilang kondisyon. Kasama na rito ang pagbabawal sa kaniya na makipag-ugnayan sa bata sa anumang paraan.
Itinakda ng korte sa darating na June 3 ang susunod na pagharap ni Payabyab sa pagdinig. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News
