Iniutos ng isang immigration judge sa Tacoma, Washington ang pagpapalaya kay Lewelyn Dixon, isang Pinay na may hawak ng Green Card, na tatlong buwang idinetine sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) Northwest Detention Center.
.
Inaresto noong Pebrero ng U.S. Customs and Border Protection sa Seattle International Airport ang 64-anyos na si Dixon, matapos siyang bumalik mula sa bakasyon sa Pilipinas.
Nakita kasi sa kanyang record na mayroon siyang conviction sa kasong embezzlement noong 2001.
Ayon sa desisyon ng immigration judge, hindi na maaring gamiting batayan sa deportation ni Dixon pabalik ng Pilipinas ang halos dalawampung taong gulang niyang kaso.
Nagtrabaho si Dixon bilang lab technician sa University of Washington Medical Center nang halos isang dekada matapos lumipat mula sa Hawaii, kung saan siya nagtapos ng high school.
Ilang oras bago ang kaniyang pagdinig, sinabi ni Dixon sa kaniyang pahayag na, “I’m going in hopeful and thankful. Finally, the day I’ve been waiting for has arrived. I’m praying everything goes well and that I’ll be out.”
Nagpahayag din siya ng labis na pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya sa pamamagitan ng panalangin, pagdalaw, at pagbibigay-lakas ng loob.— mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News

