Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na magsasagawa sila ng Mega Overseas Jobs Fair sa Araw ng Kalayaan, June 12, 2025.

Sa inilabas na pahayag ng DMW, sinabing mahigit kumulang 3,700 bakanteng trabaho ang naghihintay sa mga maghahanap ng trabaho sa abroad.

Walang binanggit ang DMW tungkol sa detalye ng mga bakanteng trabaho, at kung saang mga bansa ito.

Isasagawa umano ang job fairs sa Level 3, Robinsons Galleria – Ortigas, Quezon City, na mula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Nakasaad sa mga general requirement ng aplikante ang pasaporte, resume, kopya ng diploma, at TESDA Certificates na may kaugnayan sa posisyon na aaplayan.

Para sa mga interesado, inihayag ng DMW na bisitahan at magrehistro sa opisyal na website o portal ng job fair: https://jobfairportal.dmw.gov.ph.

Ipinaalala rin ng DMW sa pahayag na magiging prayoridad sa job fairs ang mga nagrehistro sa website.

Papayagan naman ang mga walk-in applicants pero papapasukin lamang sa job fair Area pagkatapos na makapag-apply ng mga pre-registered applicants.-- FRJ, GMA Integrated News