Inihayag ng Philippine Embassy sa Tel Aviv, na nasa apat na Pinoy ang kabilang sa mga nasugatan sa ginawang pambobomba ng Iran bilang ganti nila sa ginawang pag-atake sa kanila ng Israel.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, inihayag din ng isang Pilipino na tinamaan din ng bomba ang kanilang tirahan pero nakaligtas sila dahil nakapagtago sila sa bomb shelter.
Naka-high alert ang embahada ng Pilipinas sa Israel dahil sa tumitinding labanan nito sa Iran.
Nitong Biyernes, binomba ng Israel ang Iran na target umanong pigilan ang huli sa paggawa ng atomic weapons at wasakin ang kakayahan sa pagkakaroon ng mga ballistic missile.
Tinupad naman ng Iran ang pangakong paghihiganti sa pamamagitan ng pagpapaulan ng mga drone at missiles sa Israel.
Sa isang sulat sa United Nations, inilarawan ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na "declaration of war" ang ginawa ng Israel sa kanila, at nanawagan sa Security Council na "immediately address this issue." — FRJ, GMA Integrated News
