Isang OFW ang natagpuang patay matapos maiulat na nawawala sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa "Saksi," biktima ng hit-and-run si Juljirri Aggong na 30 anyos.

"Na-hit-and-run siya ng kotse. And that caused fatal injuries... 'Yung reported incident is June 11," sabi ni Overseas Workers Welfare Administration administrator Patricia Yvonne Caunan.

Nangyari ang hit-and-run nu'ng 12:31 ng hapon sa King Salman Eastbound Road.

Nakilala na aniya ang sasakyan na sangkot, kasama na ang plaka at nagmamaneho nito.

May abogado ang OWWA sa Riyadh upang tutukan ang kaso. Susubukan ran nitong makakuha ng CCTV video ng insidente.

"Hustisya lang po. 'Yan lang po yung panawagan namin. Hindi po ito pwedeng maging kwento lang na walang hustisya," sabi ni Mhaie Aggong, pinsan ng biktima.

"Marami pa po tayong mga kababyaan doon. Pag hindi po ito inaksyunan lang sigurado may susunod pa," dagdagp pa niya.

Mabait raw ang biktima at gusto talagang magtrabaho sa Saudi Arabia para makatulong sa kanyang mga magulang at mga kapatid.

Taga Jolo sa Sulu si Aggong at panganay sa mga magkakapatid.

Nagtrabaho siya bilang tagalinis ng opisina sa Riyadh ng anim na buwan. –NB, GMA Integrated News