Dahil sa sigalot sa Israel, inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deployment ban sa mga bagong tanggap na overseas Filipino worker sa Iran. Kasama rin ang Jordan dahil sa border nito sa Israel.

“New hires are prohibited. Returning [OFWs] are allowed, technically speaking. But they still can't travel because the airspace is closed,” sabi ni DMW Secretary Hans Cacdac sa press conference nitong Huwebes.

Naglabas ang DMW ng Advisory No. 19 s. 2025, na nakasaad na bawal magpadala ng OFWs sa Israel, Iran, Jordan, at Lebanon.

Inabisuhan din ni Cacdac ang mga OFW na pupunta sa Jordan na ipagpaliban ang kanilang biyahe dahil sa may border ito sa Israel.

“The same is true with Jordan-bound OFWs, they are turned back. So we issued an advisory, huwag na kayo pumunta muna. We included that in our advisory to recruitment agencies. Don’t send new hires to Jordan because they will just be turned back,” ani Cacdac.

Nauna nang may umiiral na deployment ban sa Israel dahil sa nangyaring pag-atake ng Hamas noong October 2023. 

Nagbabala si Cacdac laban sa mga recruitment agency na hindi susunod sa kanilang utos.

“That's part of our regulatory authority over them. When we speak in a regulatory sense, then they have to comply. And yes, on the cost of travel, we’ll have them pay for that,” pagtiyak ni Cacdac.

Una rito, sinabi ni Cacdac na may 58 Pinoy na papunta sa Israel o Jordan ang stranded sa Dubai at Abu Dhabi.

Tinutulungan na umano ng DMW ang naturang mga Pinoy. Apat sa kanila na papunta sana sa Israel ang nakuhanan ng flight para makabalik na sila sa Pilipinas.

Bagaman hindi nakatoka sa DMW ang magrekomenda tungkol sa alert level sa ibang bansa kung dapat nang magkaroon ng mandatory repatriation o boluntaryo man, sinabi ni Cacdac na handa silang tumulong sa lahat ng Pinoy sa anumang sitwasyon.

“The Department of Foreign Affairs (DFA) officials are the political and security experts. We honor their leadership at the one country team level so it is the ambassador's call, it is the Secretary of Foreign Affairs’ call , and we will always defer to the DFA’s judgment,” ani Cacdac.

Nananatiling mataas ang tensiyon sa Middle East dahil patuloy pa rin ang pag-atake at pagbomba ng Israel at Iran sa isa't isa na nasa ika-anim na araw na. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News