Inaresto sa Maynila ang isang 33-anyos na babae dahil sa pagpapanggap umano nito na may koneksyon sa isang embahada at nangangako ng hassle-free visa para makapanloko ng mga gustong magtrabaho sa abroad.

Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang ikinasang operasyon ng Malate Police sa suspek, kung saan nakipagtransaksiyon sa kaniya ang isang nagrereklamo. 

Matapos iabot ng complainant sa suspek ang marked money, umeksena na ang mga awtoridad at naabutan pang hawak niya ang pera nang arestuhin.

Nangangako umano ang suspek na kaya niyang magbigay ng working visa kapalit ng P30,000 hanggang P50,000 kung apurahan o rush.

“'Yung iba, nagbenta pa ng mga ari-arian ng kalabaw. Tapos 'yung iba, nag-resign na sa trabaho dahil umaasa sa kaniya. Ang mga biktima niya nasa probinsya, from Nueva Ecija, Cabanatuan, may Bicol pa, tsaka Cebu,” sabi ni Police Captain Armando Peñaflor, chief investigator ng Malate Police.

Nagpakita pa ang pulisya ng sulat mula sa Polish Embassy na nagpapatunay na peke ang lahat ng tinatakan ng suspek.

“Ang ginawa niya sa aming mga panloloko napakasakit, lalo na ako, pabalik na ako ng Qatar. Nasira lahat ng mga pangarap ko sa mga anak ko,” sabi ng isang lalaking nabiktima.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek, na nakapiit ngayon sa Malate Police. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News