Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sa kabila ng naranasang pag-atake noon sa Israel, kakaunti lang ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nais umuwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng repatriation program ng gobyerno.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, sa halos 300 Pinoy sa Israel na naunang nagpalista sa repatriation program, nasa 50 lang ang nagkompirma ng kagustuhan na umuwi muna sa bansa. Sa nasabing bilang, 20 lang ang aktuwal na bumalik nitong linggo.
"Ang nag-signup sa Israel mga almost 300. Sa 300 na iyon, mga 50 lang ang gustong umuwi. Ngayon sa 50 na iyon, 20 ang uuwi na," paliwanag ni De Vega sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes.
Ang pinakahuling grupo ng OFWs na uuwi sa bansa ay manggaling na mismo sa Israel, mula sa dating plano na dadalhin pa sila sa Amman, Jordan. Mayroon ding 102 Pinoy na mula sa Iran ang inaasahan na darating sa bansa sa Biyernes na manggagaling sa Turkmenistan.
Ayon kay De Vega, ang gastos sa repatriation ay mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at koordinasyon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nang tanungin ang opisyal kung bakit mas nais ng mga OFW na manatili, sinabi ni De Vega na nasanay na ang mga OFW sa sitwasyon. Mas ligtas na rin umano ang tingin ng mga Pinoy sa sitwasyon dahil sa umiiral ngayon na ceasefire sa Israel at Iran.
"Kahit anong bagong ceasefire, karamihan gustong maiwan... 'Yung mga bago lang doon ang nababahala," dagdag ng opisyal.
Sa sitwasyon sa Iran, sinabi ni De Vega na karamihan sa mga Pinoy doon ay may mga pamilya na kaya ayaw na ring umuwi. – FRJ, GMA Integrated News
