Inilabas na ang video sa nangyaring pagsunog ng isang pasahero sa isang bagon ng subway train sa Seoul, South Korea.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ang surveillance video na kuha sa loob ng tren noong Mayo ay inilabas ng Seoul Southern District Prosecutor Office.

Sa video footage, makikita ang isang lalaki na sakay sa bagon na maraming pasahero ang biglang may ibinuhos na likido sa sahig.

Napatakbo palayo sa lalaki ang mga tao na maya-maya lang ay sinilaban na ang likido na gasolina pala na itinago sa kaniyang bag.

Kasunod ng pagliyab, nabalot ng makapal na usok ang tren, at anim na tao ang nasugatan.

Ayon sa mga imbestigador, pinlano ng 67-anyos na lalaki ang pagsunog sa tren na masama umano ang loob sa resulta ng divorce case nito.

Kinasuhan ang lalaki ng attempted murder at arson. –FRJ, GMA Integrated News