Dumating na sa Pilipinas ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Leah Mosquera, na nasawi bunga ng mga tinamong sugat sa Iranian missile strike sa Rehovot, Israel noong nakaraang Hunyo.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Migrant Workers nitong Huwebes, sinabing kasama ng pamilya ni Mosquera na sumalubong sa bangkay nito sa airport nitong Miyerkoles sina DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, Israeli Ambassador Ilan Fluss, at iba pang opisyal ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration.
“We extend our deepest sympathy to the Mosquera family. Rest assured that the DMW and OWWA will continue to provide all forms of assistance during this time of grief as directed by our President,” saad ni Cacdac sa pahayag.
Nagtulong-tulong umano ang DMW, OWWA at Philippine Embassy in Tel Aviv, sa pagsagot sa gastusin upang maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Mosquera na isang caregiver sa Israel.
Kasamang umuwi ni Mosquera ang isa niyang kapatid na OFW din sa Israel.
Magkakaloob din ang DMW at OWWA ng financial, burial assistance at iba pang suporta sa naulilang pamilya ng OFW.
Una rito, nangako rin ang Israel Embassy sa Manila na tutulong ang kanilang pamahalaan sa pamilya ni Mosquera.
“Israel shares in the profound sorrow of her family and the Filipino community. We mourn with you and honor Leah’s memory with dignity and compassion. May her soul rest in peace,” saad nito sa isang pahayag.
“As such, her immediate family will receive lifelong support from the Israeli government as part of Israel’s unwavering commitment to stand beside them during this difficult time,” ayon pa sa embahada.
Nasugatan si Mosquera sa missile attack ng Iran noong June 15, at pumanaw siya sa ospital noong nakaraang linggo.
Ipagdiriwang sana ni Mosquera ang kaniyang ika-50 taong kaarawan sa July 29. – FRJ GMA Integrated News

