Ilang overseas Filipino workers (OFWs) na nakatakdang umalis para magtrabaho sa ibang bansa ang nakansela o iniurong ang mga biyahe dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Migrant Workers nitong Huwebes, sinabing binisita ni Secretary Hans Leo Cacdac ang mga temporary accommodation ng ilang OFWs na paalis na sana ng bansa ngunit nakaranas ng delay o kanselasyon ng kanilang mga flights dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Personal na inalam umano ni Cacdac ang kalagayan ng mga OFW sa ilang hotel sa Pasay City at matiyak na naibibigay sa kanila ang nararapat na tulong at suporta habang naghihintay ng kanilang biyahe.

Nagtungo rin ang kalihim sa OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 upang makita rin ang serbisyo na natatanggap ng mga OFW na nandoon matapos na maapektuhan ng masamang panahon ang kanilang biyahe.

Bukas umano ang OFW Lounges sa Terminals 1 at 3 ng 24/7 para sa mga OFW, at mayroon daw itong libreng pagkain at pansamantalang pahingahan bago ang kanilang mga biyahe.

May dumarating din

Kung may umaalis, may mga OFW din na dumarating sa bansa na ang iba ay hindi naging maganda ang resulta sa pakikipagsapalaran sa abroad.

Sa hiwalay na pahayag ng DMW, sinabing dumating sa Pilipinas mula sa Fujairah, UAE ang apat na distressed OFWs na tinulungan ng pamahalaan na makauwi.

Nitong Huwebes din ng hapon, binisita ni Cacdac ang apat upang alamin ang kanilang kalagayan at seguraduhin ang nararapat na tulong para sa kanila habang nasa kanilang temporary accommodation.

Ayon sa DMW,  hindi nakatanggap ng sahod at nakaranas ng pang-aabuso mula sa kamay ng kanilang employer ang apat na OFW.

Ipinangako umano ng kalihim ang nararapat na tulong para sa kanila, kabilang ang financial at legal assistance, upang makabangon sila sa kanilang sitwasyon ngayon.

Magsasampa rin ng kaso ang DMW laban sa agency at employers ng mga OFW. – FRJ GMA Integrated News