Dinakip ng mga awtoridad ang isa umanong illegal recruiter na lalaki sa Naic, Cavite. Bukod sa ilegal ang ginagawang pag-aalok ng trabaho sa abroad, pinagsasamantalahan din daw ng suspek ang mga aplikante na pawang mga lalaki rin.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing naabutan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa loob ng kuwarto ng isang motel kasama ang isa sanang bibiktimahin.
Nang dalhin sa tanggapan ng NBI sa Cavite ang suspek, hindi na nakapagpigil ang ilan niyang nabiktima at inatake siya.
Ayon sa NBI, nag-aalok ng trabaho online ang suspek para sa mga gustong maging mekaniko at masahista sa ibang bansa at naningingil ng P20,000 placement fee.
Ginagawa rin umanong patakaran ng suspek sa aplikante ang “one-on-one session” na kasama siya.
Nangangako umano ang suspek sa mga aplikante ng P90,000 na buwanang sahod. Kapag napaniwala ang aplikante, doon na umano mangyayari ang pang-aabuso ng suspek sa mga aplikante.
“Sila’y pinangakuan ng trabaho sa Japan. Under the pretext of conducting training activity, minomolestiya niya ng sexual at marami sa kanila ang nagreklamo na maliban sa illegal recruitment,” ayon kay Atty Eric Nuqui, NBI Cavite District North chief.
Ayon sa NBI, nanggagaling pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga biktima gaya ng Aklan, Cagayan, Isabela, Bicol, at Cavite.
“Wala hong kaukulang permit o lisensya ang nasabing recruiter para mag-conduct ng overseas recruitment. Sa initial investigation natin, lumalabas na ang kanyang recruitment activities ay nag-start noong 2019 at marami na siyang nabiktima,” dagdag ni Nuqui.
Dinakip ang suspek sa reklamong illegal recruitment, estafa, at act of lasciviousness.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang nakadetineng suspek.—FRJ GMA Integrated News
