Walang plano ang inang nagtatrabaho sa ibang bansa na kasuhan ang kaniyang kinakasama na nahuli-cam na sinasaktan umano ang limang-taong-gulang niyang anak. Sa halip, ang sarili niyang kapatid ang nais niyang kasuhan dahil sa pag-post ng video sa social media sa sinasabing pananakit sa kaniyang anak.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng inang OFW na nakakatanggap siya ng mga batikos sa internet dahil sa video na ipinost ng kaniyang kapatid.
“Sobrang stress ko po dito, doon dahil sa ginawang post po ng kapatid ko na ‘yon. Iaatras ko po ‘yung kaso ng jowa ko, Sir. Kasi binastos na rin ho ako sa social media. Sirang-sira na rin ho ako,” ayon sa ginang.
“So pag-uwi ko ang kakasuhan ko ‘yung kapatid ko. Sobra ho ‘yung paninirang ginawa sa akin sa social media ho Sir. Kasi hindi ko sinabing i-post ‘yung video ng anak ko Sir. Iniingatan ko ‘yung privacy ng anak ko,” dagdag niya.
Paliwanag naman ng kapatid, ipinost niya ang video dahil nais niyang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang pamangkin sa kamay ng stepfather nito.
Una nang iniulat na sinampal, sinipa sa ulo, binuhat sa leeg at sinikmuraan umano ng nobyo ng ginang ang bata.
Sinasabing nagalit ang lalaki dahil sumuko ang bata. Pero itinanggi rin ng lalaki na sinaktan niya ang bata.
Ayon sa ina ng bata, nais niya rin sanang papanagutin ang kaniyang nobyo dahil sa ginawa sa kaniyang anak.
“Actually, sir, dalawang beses po siya pinapunta sa DSWD at sa pulis kahapon. Kaso hindi po talaga siya dinampot at wala pa pong file [na kaso],” saad niya.
Inakusahan din ng ina ng bata ang kaniyang kapatid na sinasaktan ang kaniyang anak. Ito umano ang dahilan kaya ipinagkatiwala niya ang bata sa kaniyang nobyo.
“Nagsumbong sa akin ‘yung jowa ko bakit maraming kurot. Sobrang dami pong…may mga peklat po. Sabi po ng anak ko, kinukurot daw po ng…nila ho doon ng nanay ko, ng mga tita niya ho,” anang ginang.
Itinanggi naman ng kapatid ang paratang, “Hindi lalaki ng ganyan kalulusog yung anak niya kung sinasaktan dito.”
Hindi rin daw siya papayag na makuhang muli ng ina ang kaniyang pamangkin.
“Hindi namin puwedeng ibigay kasi baka kapag nakuha niya, ipapasa niya sa kung sino-sinong tao. Ibibigay niya sa hindi kamag-anak, hindi kadugo. Kung kakasuhan niya ako, lalaban din ako,” deklara ng kapatid.
Ayon sa Caloocan City Social Welfare Department, kukupkupin nila ang bata kapag lumabas sa imbestigasyon na hindi kayang alagaan ng ina ang bata, at kung totoo na sinasaktan ng kaniyang tiyahin.
Samantala, sinampahan na ng reklamong child abuse ang nobyo ng inang OFW na inihain ng tiyuhin ng bata.—FRJ GMA Integrated News
