Dahil hindi kayang hayaan na lang na itapon sa disyerto ang mga aso na kanilang sinagip sa Kuwait, gumawa ng paraan ang mag-partner na overseas Filipino workers sa maiuwi ang mga ito sa Sibonga, Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing 12 aso ang naiuwi sa Cebu nina Donnabelle Lee at Jeffrey Luage, at may 11 pa silang aso na babalikan sa Kuwait.

Kuwento ni Lee, inabadona sa labas ng kanilang opisina sa Kuwait ang mga aso noong tuta pa lang ang mga ito. Nang dumami ang mga aso, nagpagawa sila ng shelter doon.

Pero naghigpit umano ang Kuwait at nag-abisong gigibain ang kanilang shelter. Kung walang kukupkop sa mga aso, pakakawalan ang mga ito sa disyerto bagay na hindi maatim na gawin nina Lee at Lauge na  abandonahin ang mga ito.

Dahil pamilya na ang turing nila sa mga aso, at sa tulong ng ibang tao na nagmalasakit din, naisama nila pauwi sa Cebu ang 12 aso.

Pagdating sa Sibonga, nagpagawa sila ng dog sanctuary at masaya sina Lee at Luage na makitang masaya rin ang mga aso sa bago nilang tahanan.

Ang naiwang 11 pang aso sa Kuwait, iuuwi rin daw ng dalawa sa Cebu.

“You don’t need to be an animal lover or dog lover, its humanity,” ani Lee, sabay sabi na dapat tulungan ang sino mang nangangailangan ng tulong.—FRJ GMA Integrated News