Sugatan ang isang dockor na Pilipino matapos siyang suntukin at itulak sa riles ng subway sa Manhattan, New York City.
Inilabas ng New York Police Department (NYPD) ang kuha sa CCTV camera sa hinahanap na lalaking nanakit sa 44-anyos na Pinoy doctor na nangyari noong Agosto 9.
Ayon sa pulisya, pauwi na mula sa duty ang biktima, at naghihintay ng masasakyang tren nang atakihin siya ng suspek.
Mabuti na lang at wala pang paparating na tren at tinulungan ng ibang tao ang biktima para makaakyat muli sa platform.
Tumakas ang suspek habang nagtamo ng sugat sa ulo at paa ang biktima.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang doktor pero maayos na ang kaniyang kalagayan, at nakikipag-ugnayan na ang konsulado sa kaniya.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek, at humingi ng tulong ang NYPD police sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang lalaki. – FRJ GMA Integrated News
