Nakapili na ang Board of Directors sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan ng Officer-in-Charge (OIC). Kasunod ito ng pag-alis ng dating pinuno ng tanggapan na si Atty. Cheloy Garafil, na nahirang naman bilang bagong Secretary General ng Kamara de Representantes.

Sa isang pahayag ng MECO nitong Biyernes, nakasaad na napili na maging OIC si Corazon A. Padiernos.

“Hon. Padiernos brings her expertise as a current MECO Director, having been actively participated in advancing MECO’s programs and initiatives, including collaborations in tourism promotion, community engagement, and trade and investment cooperation,” saad sa pahayag.

Sa kaniyang karanasan, nakatitiyak umano na maipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa komunidad ng mga Pilipino sa Taiwan, at lalo pang pagtitibayin ang ugnayan at kooperasyong pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

Bukod kay Padiernos, kasapi ng Board sina Rose Marie Arenas, Wilson Tecson, Reynaldo Catapang, Joseph Omar Castillo, at si Jay Ruiz, na dating namuno sa Presidential Communication Office.

Bagyong Ragasa sa Taiwan

Samantala, mahigpit umanong binabantayan ng MECO at Migrant Workers Office (MWO) sa Taipei ang sitwasyon sa Hualien matapos ang pagbaha na dulot ng pag-apaw ng Maitianan Lake dam dahil sa Super Bagyo na si Ragasa.

Sa ngayon, wala umanong Pilipino na nasawi dahil sa pagtama ng nasabing bagyo.

“We have coordinated with Taiwan’s manpower agencies and local authorities, who confirmed that all OFWs under their care have been accounted for, and no Filipinos were among the reported casualties,” saad sa pahayag ng MECO.

Nakikipag-ugnayan din umano ang MECO at MWO sa mga miyembro ng Pinoy communities sa Hualien upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan.

“Assistance will be extended to those affected as soon as condition allow,” ayon sa MECO. “We remain vigilant and continue to coordinate with Taiwanese authorities, manpower agencies and the Filipino community to monitor developments and provide necessary support.”—FRJ GMA Integrated News