Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa human trafficking at illegal recruitment.

Sa pagbisita niya sa Pampanga, inanunsyo ni Marcos ang pagpirma ng isang memorandum of agreement (MOA) ng mga ahensya ng gobyerno at ng lokal na pamahalaan para palakasin ang pagtutulungan upang mapanatiling ligtas ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

''Kasama ko ang DMW [Department of Migrant Workers] sa hangaring magtagumpay ang kasunduan na ito at lahat ng mga programang makakatulong sa ating mga OFWs,'' ayon kay Marcos nang mamahagi ng tulong sa mga OFW.

''Dito sa Pampanga, ating ipapatupad ang MOA, isang simbolo ng pagtutulungan ng local government, kasama na ang national government laban sa illegal recruitment at sa human trafficking. Inaasahan ko na magiging maganda ang resulta ng kolaborasyong ito,'' dagdag niya.

Kabilang sa mga ahensya na kasama sa kasunduan ay ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Samantala, namahagi rin ng Agarang Kalinga at Saklolo sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund Assistance para sa mga OFWs at kanilang mga pamilya na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), daan-daang pamilya — kabilang ang mga may kaanak na OFW — ang nawalan ng tirahan at naapektuhan hindi lamang sa kabuhayan kundi pati na rin sa emosyonal na aspeto.

Marami sa mga pamilya ng OFW ang umaasa sa remittances bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ngunit naapektuhan ito dahil sa mga kalamidad.-- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News