Apat na Pilipino na nabiktima ng human trafficking sa Laos ang na-repatriate na pabalik ng Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Nitong Lunes, sinabi ng BI na unang na-deploy ang mga biktima bilang overseas Filipino workers (OFWs) papuntang Brunei. Pero nasagip sila at nakauwi noong Oktubre 17 matapos humingi ng tulong sa Philippine Embassy sa Vientiane, Laos.

Batay sa imbestigasyon, na-recruit ang mga biktima sa pamamagitan ng online ads na nag-aalok ng customer support jobs sa Laos na may sahod na hanggang ?47,000 kada buwan. Ginamit ng mga recruiter ang Brunei bilang panakip at pinroseso ang kanilang mga dokumento gaya ng work visa, employment contract, PDOS certificate, at OEC bilang mga OFW papuntang Brunei.

Mula roon, dinala sila sa Laos sa pamamagitan ng pagdaan saThailand.

Pagdating sa Laos, pinagtatrabaho umano ang mga biktima ng hanggang 15 oras kada araw nang walang pahinga. Kinalaunan, pinilit silang gumawa ng mga trabahong hindi nila inaasahan, kabilang ang paghawak ng social media accounts para sa online scams.

Isa sa mga biktima ang umaming napilitang gumawa ng ilegal na aktibidad, habang inihayag naman ng isa pa na ni-recruit ng dating kakilala sa Facebook.

“Despite repeated government warnings, these syndicates continue to prey on the desperation of Filipinos seeking work abroad,” sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado. “What makes this case alarming is that the victims knew the arrangement was irregular but still agreed—showing how deceptive and manipulative these recruiters have become.”

Iniulat na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pagkakakilanlan ng mga recruiter, at inaresto ang isa sa kanila ng National Bureau of Immigration-International Airport Investigation Division.

“Illegal recruiters and human traffickers will face the full force of the law,” sabi ni Viado. “We continue to coordinate closely with IACAT and international partners to ensure that those behind these syndicates are held accountable.” – mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News