Binabantayan ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga online posting ng job vacancies matapos humingi ng tulong sa pamahalaan ang mahigit 200 Pilipino na na-recruit para magtrabaho sa mga scam farm sa Myanmar at nais nang makauwi sa bansa.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing mahigpit na mino-monitor ng DMW ang mga online posting ng package tours at mga oportunidad sa trabaho na umano’y matatagpuan sa Thailand, Cambodia, Laos, at Myanmar.

Aabot na umano sa 17,000 post na may kaugnayan sa illegal recruitment at pekeng job offers ang naipatanggal ng mga awtoridad sa iba’t ibang social media platforms.

Nakikipag-ugnayan din ang DMW at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga platform tulad ng Facebook at TikTok, at nagsampa na rin ang kagawatan ng mga kaso laban sa mga illegal recruiter.

Muling pinaalalahanan ng DMW ang mga nagnanais magtrabaho sa abroad na maging maingat sa paghahanap ng trabaho, lalo na’t may mga recruiter na dinadala muna ang kanilang mga biktima sa ibang bansa bago sila dalhin sa tunay na destinasyon.

Nagbabala rin ang ahensya laban sa mga recruiter na walang awtorisasyon ng DMW para magsagawa ng recruitment at deployment ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.— FRJ GMA Integrated News