Nawawala ang busto ni Dr. Jose Rizal sa Paris, France, o ang eskultura na mula ulo hanggang dibdib.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas ang pagkawala ng naturang busto sa kinalalagyan nito.

Sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan na ang embahada sa mga lokal na awtoridad at Pinoy community para mabawi o mapalitan ito.

Matatagpuan ang busto sa 9th arrondissement ng Paris, na pinaniniwalaang kinuha sa pagitan ng Oktubre 25 at Oktubre 26.

“The bust of Dr. José Rizal served as a cherished landmark for Filipinos in Paris and a symbol of enduring friendship between the Philippines and France. While the motive behind the removal remains unknown, public monuments are often vulnerable to vandalism or even destruction or theft,” saad sa pahayag.

Pinasinayaan ang busto ni Rizal sa Paris noong 2022, sa pagtutulungan ng komunidad ng mga Pilipino sa France, lokal na pamahalaan ng Paris, at ng 9th arrondissement district.

Itinayo ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagtatatag ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at France.—mula sa ulat ni Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News