Sinabi ng drug enforcement agency ng Nigeria nitong Biyernes na 20 marinong Pilipino ang inaresto nila matapos na may makita umano na hindi bababa sa 20 kilo ng cocaine na nakatago sa kanilang barko na mula Brazil patungo sa pangunahing daungan ng Lagos.
Matagal nang itinuturing ang Nigeria bilang sentro ng trafficking at produksyon ng mga droga na dinadala sa Europa at iba pang bansa sa Africa.
Ayon sa National Drug Law Enforcement Agency (NDLEA), nasabat nila noong Linggo ang kargamento ng mataas na kalidad na cocaine sa isang barkong nakarehistro sa Panama.
Nakatago ang cocaine sa ilalim ng kargamento ng barko, ayon sa NDLEA sa isang pahayag.
Hindi nito tinukoy kung anong uri ang mga kargamento, ngunit sinabi nilang karaniwang nagdadala ang barko ng coal sa pagitan ng Brazil at Colombia.
Isinailalim sa kustodiya ang mga Pinoy para sa imbestigasyon.
Noong unang bahagi ng buwang ito, sinabi ng ahensya na nakikipagtulungan sila sa mga anti-drug agency ng US at Britain upang imbestigahan ang isang cartel na nasa likod ng pag-angkat ng 1,000 kilo ng cocaine na natuklasan sa isang container sa isang daungan sa Lagos.
Pinalakas ni US President Donald Trump ang presensya ng puwersa ng US sa rehiyon ng Caribbean para labanan umano ang mga drug trafficker na nakabase sa mga bansa sa Latin America kabilang ang Venezuela at Mexico.— mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News

