Isang overseas Filipino worker ang nasawi sa malaking sunog na naganap sa Tai Po district noong Nobyembre 26. 

Sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kinilala ang nasawi na si Maryan Pascual Esteban,

“Nakikiisa ang OWWA Overseas Workers Welfare Administration sa Filipino community sa pagdadalamhati sa pagkawala ng ating kababayang OFW na si Maryan Pascual Esteban,na nasawi sa malagim na sunog sa Tai Po, Hong Kong,” saad sa post ng OWWA nitong Linggo sa Facebook page.

Kaagad umanong nagtungo sina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at OWWA Administrator PY Caunan sa tahanan ng pamilya ng nasawing OFW sa Cainta, Rizal upang magpaabot ng kanilang pakikiramay at tulong.

Aktibo umanong miyembro ng OWWA ang nasawing OFW kaya tiniyak ng pamahalaan na matatanggap ng kaniyang pamilya ang lahat ng benepisyong nakalaan para sa kanila.

Tiniyak ng mga opisyal na sisikapin ng pamahalaan na maiuuwi kaagad sa Pilipinas ang mga labi ni Esteban at tutulungan ang pamilya sa lahat ng kinakailangang pagproseso.

Makatatanggap din umano ng tulong pang-edukasyon hanggang sa kolehiyo mula sa OWWA sa ilalim ng Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) ang pamilya ng nasawing OFW.

Kaya naman hinimok nila ang anak na mag-aral nang mabuti at ipagpatuloy ang pangarap ng kaniyang ina na makatapos siya ng pag-aaral.

Nauna nang kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na isang OFW sa naturang sunog na tumupok sa pitong apartment building sa Tai Po district na may tig-32 palapag ang taas.

Hindi tinukoy sa abiso ng konsulado ang pangalan ng OFW na inilarawan nila na “someone who left her home to seek better opportunities abroad and had made numerous sacrifices to support her family."

“The Consulate General extends our heartfelt condolences to her family, friends, and loved ones at this trying time,” saad nito sa pahayag.

Mayroon pang 13 Pilipino ang “unaccounted” o inaalam ang kinaroroonan. Hindi pa sila isinasama sa listahan ng mga nawawala.

Umabot na sa 128 ang nasawi sa naturang sunog at 200 ang nawawala. –FRJ GMA Integrated News