Ibinahagi ni Lian Paz ang proseso kung paano sila nagkaayos ng dating asawa na si Paolo Contis, at ang nakita niyang sinseridad ng aktor na muling makipag-ugnayan sa kanilang mga anak na sina Xonia at Xalene.

“Actually, matagal 'yung process. Nag-reach out siya, matagal na. So quiet lang naman talaga kami kasi 'yun na nga, I'm out of the limelight already and hinintay ko rin naman na mag-heal ako,” sabi ni Lian sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

Kuwento ni Lian, nakipag-ugnayan si Paolo sa pamamagitan ng kaniyang asawa na si John Cabahug.

“Pero nakita ko 'yung sincerity ni Paolo because more than me, mas nagme-message siya kay John, sa husband ko,” pagpapatuloy ni Lian.

Nagmensahe si Paolo kay John sa pamamagitan ng Instagram noong pandemya.

“Noong una, hesitant pa kami of course because showbiz nga ganiyan, and I'm keeping the kids talaga away from the media,” ani Lian na dating bahagi ng isang dance group.

Hindi naging madali para kay Lian na ibigay ang tiwala kay Paolo noong una, pero nakita niyang galing sa puso ang mga ginagawang hakbang ng aktor.

“Mahirap of course magtiwala at first. But then, I've seen his sincerity and I've seen myself also, Tito Boy, na also, may mga pagkukulang din ako. So, it's really by the grace of God,” sabi niya.

Si John naman, gustong ipagtanggol sina Xonia at Xalene, lalo’t lumaki na ang mga ito sa poder nila ni Lian, at hindi na kay Paolo.

“Siyempre, very protective talaga siya sa amin. Ang unang iniisip talaga niya is more than me is 'yung mga bata talaga. So, ayaw din namin na mabigla sila, magulat sila because 'yung mga bata is lumaki talaga sa amin ni John. So, babies pa sila, maliliit pa talaga sila, nasa amin na sila. So, I don't want them na parang magulat sila sa situation and all. So, hinayaan lang namin 'yung panahon. I think it's really just the right time,” patuloy ni Lian.

Kalaunan, binanggit ni John kay Lian na nagmemensahe ang aktor sa kaniya. Pero si Lian, umaming hindi pa siya handa sa umpisa.

“Sabi niya na, ‘I think you have to see this message. Pinabasa niya sa akin 'yung message. So, tinanong niya ako, ‘Are you ready?’ Ang sagot ko ay, ‘hindi pa. Hindi pa,’” pagbahagi niya.

“Kasi gusto ko talagang makita 'yung effort talaga niya na talagang dire-diretso na tuloy-tuloy ba. Tsaka, Tito Boy, pinag-pray ko talaga,” dagdag ni Lian.

Hindi rin agad binanggit nina Lian at John kina Xonia at Xalene ang tungkol sa pakikipagkomunikasyon sa kanila ni Paolo.

“Because I think they are not ready. Masyadong maraming nangyayari sa school. Pagod din sila sa school. And nakakatawa kasi very, very focused 'yung mga bata sa school. They're really top students in school. So I don't want to jeopardize that. So tinignan muna namin talaga kung okay ba,” ayon kay Lian.

Pagpapatawad

Hanggang sa dumating ang panahong handa na sina Lian at John na bigyan ng pagkakataon si Paolo kina Xonia at Xalene.

“Actually, decision din namin ni John. We decided to let the kids know already. And we asked them, of course, kung sila mismo ready na. And pinakita ko kasi sa kanila, Tito Boy, na, ayoko makita at masabi ng mga anak ko na hindi ako marunong magpatawad,” ani Lian.

“So pinakita ko sa kanila na, ‘Girls, hindi perpekto ang papa niyo. Gano’n din si mama. But we want this family to be okay. I think everybody deserves a chance.’ And we prayed about this. And we know that everyone is accountable to the Lord,” dagdag pa niya.

Tinanong ni Lian ang kaniyang mga anak, “‘Do you want to give your papa a chance?’”

Tugon naman ng kaniyang mga anak, “‘Yes, of course,’” sabi ni Lian.

Matatandaang Agosto noong nakaraang taon nang reunited si Paolo sa mga anak niyang sina Xonia at Xalene.

Nangako rin si Paolo na magkaroon siya ng “constant communication” sa pamilya ni Lian, at hindi na sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kaniya.

Ikinasal sina Paolo at Lian noong 2009 ngunit naghiwalay noong 2012.

May anak din si Paolo sa dati niyang partner na si LJ Reyes na si Summer. Naghiwalay sila noong 2021. – FRJ GMA Integrated News