Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv ngayong Sabado ang mga Pilipino sa Israel na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at maghanda na magtungo sa taguan habang nagsasagawa ng mga pag-atake ang Amerika at Israel laban sa Iran.

May hindi bababa sa 30,000 manggagawang Pinoy sa Israel na karamihan ay mga caregiver. Samantalang mahigit 1,000 naman ang mga Pinoy na nasa Iran.

Ayon sa embahada, ipinagbabawal sa kasalukuyan ang mga pampublikong pagtitipon at sarado ang lahat ng mga institusyon at tanggapan, maliban sa mga nagbibigay ng mahahalagang serbisyo.

"We encourage all Filipinos to remain indoors and prepare to seek shelter in a mamada if there is an urgent alert," saad sa abiso ng embahada.

Sinabi ni US Pres. Donald Trump sa isang video na naka-post sa social media na sinimulan ng US ang isang "major combat operations" sa Iran, at inakusahan ang Iran na patuloy sa pagpapaunlad ng kanilang programang nukleyar.

Iginiit ni Trump na gumagawa ang Iran ng mga missile na kayang umabot sa US, at nanawagan siya sa mga mamamayang Iranian na "agawin ang kapangyarihan mula sa kanilang pamahalaan."

"It will be yours to take," mensahe ni Trump sa mga Iranian.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Maynila na maglalabas ito ng update na abiso sa lalong madaling panahon kaugnay ng sitwasyon sa Middle East.

Ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang bansang nagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, na may humigit-kumulang 10 milyong skilled at unskilled workers na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya naman lantad sila sa anumang kaguluhan, at maging sa pang-aabuso at unfair labor practices.

Ang mga ipinapadala ng mga migranteng manggagawang Pilipino ay bumubuo ng malaking bahagi ng reserbang dolyar ng Pilipinas, na umaabot sa mahigit $35 bilyon kada taon. — Michaela del Callar/FRJ GMA Integrated News