Nagpaalam na sina Alexandra “Alex” Eala at Venus Williams sa doubles competition ng Bad Homburg Open nang matalo sa quarterfinals sa iskor na 6-3, 6-2 laban kina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain nitong Huwebes.
Kinailangan lang nina Mihalikova at Nicholls, kapwa nasa ika-29 puwesto sa WTA doubles rankings, ng isang oras at 20 minuto upang makuha ang panalo sa dalawang sunod na set.
Nakaabot sina Eala at Williams sa quarterfinals matapos talunin sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne sa iskor na 6-3, 6-4 noong Miyerkules.
Dahil sa pagkatalo, tuluyan nang nagwakas ang kampanya ni Eala sa naturang WTA 500 event, matapos din siyang mabigo sa unang round ng singles competition laban kay Elise Mertens.
Inaasahan naman na sasabak si Eala sa Wimbledon sa susunod na linggo bilang No. 29 seed. Siya ang unang Pinay player na naging seeded sa isang Grand Slam singles event.
-- FRJ GMA News

