Isang Pinay nurse na inaresto dahil sa pagkakasangkot sa halos $1 bilyong healthcare fraud scheme sa Amerika at iniutos ng korte na isailalim sa home detention, o manatiling sa kaniyang bahay habang nililitis ang kaso.
Noong Hunyo 18, naglabas ang isang federal court sa Texas ng warrant of arrest laban kay Marizel Yukee kaugnay ng iba’t ibang kasong may kinalaman sa panloloko.
Batay sa mga dokumento ng korte, inaresto si Yukee sa Houston, Texas noong Hunyo 22 at iniharap kay US Magistrate Judge Yvonne Ho ng United States District Court, Southern District of Texas, Houston Division para sa kaniyang unang pagdinig at arraignment.
Nahaharap ang Pinay sa mga kasong conspiracy to commit wire fraud at healthcare fraud, healthcare fraud, money laundering, , conspiracy to defraud the United States, at pagbibigay, pagbabayad, paghingi, at pagtanggap ng ilegal na komisyon o kickback sa healthcare system.
Naghain ng not guilty plea si Yukee sa lahat ng ibinibintang laban sa kaniya.
Pinayagan naman siya ng korte na pansamantalang makalaya habang hinihintay ang paglilitis, sa kundisyong mananatili siya sa ilalim ng home detention matapos maglagak ng $600,000 na secured bond at $400,000 na unsecured bond.
Hindi kailangang bayaran agad ang unsecured bond. Gayunman, kung lalabagin ni Yukee ang mga kondisyon ng kanyang paglaya o hindi siya haharap sa korte, maaari siyang obligahing bayaran ang naturang buong halaga.
Karaniwang ipinapataw ang ganitong uri ng bond sa mga seryosong kasong kriminal bilang dagdag na paraan upang matiyak na susunod ang akusado sa mga utos ng hukuman.
Nakasaad sa utos ng korte na limitado na dapat manatili si Yukee sa kaniyang tirahan sa lahat ng oras, maliban kung pupunta sa trabaho, paaralan, pagpapagamot, pakikipagpulong sa abogado, pagdalo sa pagdinig sa korte, o iba pang aktibidad na inaprubahan o iniutos ng hukuman.
Bahagi rin ng kondisyon sa paglaya na dapat niyang isuko ang kaniyang pasaporte at sumailalim sa isang location monitoring program, na kinakailangan niyang magsuot ng GPS ankle monitor upang elektronikong masubaybayan ang kanyang kinaroroonan habang nasa home detention.
Inakusahan si Yukee, 49-anyos na nurse na mula sa Las Vegas, na nagpasimuno ng $906 milyon na panloloko ng Medicare at TRICARE na may kinalaman sa mga hindi kinakailangang amniotic wound allografts o mga graft para sa sugat na mula sa amniotic tissue.
Ayon sa prosekusyon, pinatakbo niya ang apat na mobile wound care clinic sa apat na estado ng US at target umano ang mga matatanda at mga pasyenteng nasa hospice care. Inakusahan din siyang nagpalsipika ng mga medical record at nagbayad ng ilegal na kickback kapalit ng mga referral ng pasyente.
Sinabi ng mga awtoridad na nagresulta ang umano’y operasyon sa humigit-kumulang $297 milyon na reimbursement mula sa Medicare at TRICARE. Nakumpiska rin ng mga imbestigador ang tinatayang $35.2 milyong halaga ng mga ari-arian, kabilang ang pera, mga mamahaling sasakyan gaya ng Ferrari 296 GTS, at mamahaling alahas.
Ipinapakita rin ng mga rekord ng korte na sinabi ng mga piskal na bahagi ng mga kinita umano mula sa nasabing operasyon ay ginamit sa pagpapatayo ng isang $4.6 milyong beach resort sa Santa Ana, Cagayan.
Humingi ng pahayag ang GMA News Online kay Yukee ngunit wala pa siyang tugon.
Samantala, hindi pa rin nagbibigay ng komento ang Philippine Nurses Association of America hinggil sa usapin sa kabila ng kahilingan ng GMA News Online. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News
