Namangha ang isang construction worker matapos niyang mahukay sa poso negro ng isang bahay sa Alaminos, Pangasinan, ang isang malaking ngipin na hinihinala niyang galing sa dambuhalang pating na minsang namuhay sa karagatan—ang Megalodon. Tama kaya ang hinala niya? Alamin.

“May nabareta po ako. Akala ko po bato, kaya inulit ko po ulit, kaya nabasag po. Para po siyang patulis. Akala ko lang po simpleng bato,” kuwento ni Angelo Gines sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Kinutuban si Angelo dahil tila may kakaiba sa inakala niyang bato lamang, na merong maliliit na tulis-tulis na parte.

“Binalikan ko pong kunin. May nakita po kasi akong parang lagari niya, parang design-design,” sabi niya. “Para pong isang ngipin ng malaking isda po. First time ko lang po makakita nu’n.”

May limang pulgada ang haba ng pinaniniwalaang ngipin ng pating na nahukay ni Angelo, na singlapad ng palad ng tao. Nasa 150 grams ang bigat nito, at patatsulok ang hugis.

Agad ipinakita ni Angelo sa tiyuhin niyang si Marlon Gines ang pinaniniwalaan niyang ngipin ng higanteng isda.

Si Marlon, nag-research sa online at lalong lumakas ang paniwala nila na mula sa sinaunang pating ang ngipin.

Ang Megalodon ang pinakamalaking prehistoric shark, na may habang maaaring umabot ng mahigit 20 meters o halo singhaba ng bus.

Ang ngipin din ng mga Megalodon ang ilan sa pinakamalaking ngipin na nakita mula sa anumang klase ng pating.

“Ang Megalodon shark teeth ay puwedeng umabot ng around 18.7 centimeters comparably doon sa Great White Shark na inaabot lang ng 7.6 centimeters 'yung pinakamalalaki,” sabi ni Nonie Enolva, chief ng Fisheries Resource Management Section ng BFAR.

Dahil dito, napangiti si Angelo na hawig sa mga nakita niyang larawan ng ngipin ng Megalodon online ang nakita niyang ngipin mula hukay.

Bago nito, 2020 nang may makumpirmang ngipin din ng Megalodon ang nahukay sa Maribojoc sa Bohol. Nasa kustodiya ito ngayon ng National Museum Bohol.

May pag-asa si Angelo na tunay na ngipin din ng Megalodon shark ang nahukay niya, lalo’t malapit sa baybaying parte ng Pangasinan, lalo na sa Lingayen Gulf, ang kanilang bayan.

Tunghayan sa KMJS ang pagsusuri ng isang geologist kung tunay ngang ngipin ng Megalodon ang natagpuan nina Angelo, at magkano naman kaya ang halaga nito. Panoorin.—FRJ GMA News