Nagbigay ng update para sa kanilang followers ang singer at stand-up comedian na si Ate Gay tungkol sa lagay ng kaniyang kalusugan.

Sa Facebook post niya, ibinahagi ng komedyante na wala na ang bukol sa kaniyang leeg at maging sa ilong batay sa resulta ng kaniyang MRI (Magnetic Resonance Imaging).

"Magandang balita wala na akong bukol sa ilong at leeg result ng MRI yeheyyyy. Thank you Lord Jesus," saad ni Ate Gay sa caption ng kaniyang larawan habang nasa ospital.

Ibinahagi rin ni Ate Gay na apat na sesyon na lamang ng immunotherapy ang natitira sa kaniyang gamutan. Isinasagawa ito kada 21 araw, at kabuuang 12 sesyon ang kaniyang paggamot.

Nagpasalamat siya sa Panginoon, sa kaniyang mga "anghel," at sa lahat ng patuloy na nagdarasal at sumusuporta sa kaniya.

Matatandaan na sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Setyembre 2025, isinapubliko ni Ate Gay na mayroon siyang Stage 4 cancer. Mula noon, sunod-sunod ang mga biyayang natanggap niya upang makapagpagamot.

Isang hindi nagpakilalang donor ang tumulong sa gastusin ng kaniyang radiation therapy sa Asian Hospital, habang isang tagahanga naman ang nagpahiram ng condominium unit na malapit sa ospital upang maging mas malapit ang kaniyang pagpapagamot.

Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Ate Gay na "graduate" na siya radiation at chemotherapy. At sa sumunod na buwan, halos nawala na ang bukol sa kaniyang leeg.

Sa episode naman ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong nakaraang Marso, ibinahagi ni Ate Gay na isa si Heart Evangelista sa mga taong tumulong sa kaniyang pagpapagamot.—Nika Roque/FRJ GMA News