Tumaas ng 12 porsiyento ngayong taon ang populasyon ng critically endangered na mga tamaraw sa Mounts Iglit-Baco Natural Park (MIBNP) sa Mindoro, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa MIMAROPA region.

Sa inilabas na pahayag ng DENR-MIMAROPA sa naka-post sa kanilang Facebook page, nakasaad na 425 na tamaraw ang kanilang naitala sa MIBNP, na mas mataas sa 380 na tamaraw na kanilang nabilang noong 2025.

“The 425 tamaraws recorded in 2026 refer only to the population monitored within MIBNP, which hosts the country’s largest known remaining wild population of the critically endangered tamaraw and has served as the primary long-term monitoring site since 2000,” ayon sa pahayag.

Bukod sa MIBNP, kabilang din sa mga kumpirmadong tirahan ng tamaraw sa Mindoro ang iminungkahing Siburan–Aruyan–Dangari–Iyason–Kinarawan (SADIK) Critical Habitat (na dating kilala bilang Aruyan-Malati Tamaraw Reservation), at ang Upper Amnay Watershed.

Ang naturang mga lugar ay tahanan din ng mga ligaw na populasyon ng tamaraw at sinusubaybayan sa pamamagitan ng magkakahiwalay na mga programa sa konserbasyon at pananaliksik.

“Together, these populations contribute to the overall conservation status and long-term recovery of the species on Mindoro,” ayon sa DENR-MIMAROPA.

Isinagawa ang pagbibilang sa iba't ibang observation o vantage points sa loob ng limang araw ng mga sinanay na tagamasid mula sa DENR, Mounts Iglit-Baco Natural Park Protected Area Management Office, mga lokal na pamahalaan, katuwang na ahensya, mga institusyong pang-akademiko, mga non-government organization (NGO), at Indigenous Peoples.

Sinuri at inalis umano ang mga dobleng naitalang mga naobserbahang hayop upang makuha ang opisyal na bilang.

“All vantage points recorded sightings this year, including areas with no observations in 2025. The survey also documented adults, sub-adults, yearlings, and calves, indicating ongoing recruitment within the monitored population,” dagdag sa pahayag.

Nitong nakaraang Abril, iniulat na nakitang muli sa kabundukan ng Sta. Cruz sa Occidental Mindoro ang mga mailap na tamaraw.

Ayon sa mga grupong sumusubaybay sa mga hayop, 2018 nang huling may makitang palatandaan ng populasyon ng tamaraw sa kabundukan.

“Ang nakita lamang ng team ng DENR po noon ay bakas ng mga yapak, 'yung mga hoof marks po,” sabi ni Sta. Cruz, Occidental Mindoro Acting MENR Officer Aina Krizia Sy-Viray, sa isang ulat ng GMA News 24 Oras noong Abril.

"Doon sa ginawang further verification, nakita po natin doon 'yung tinatawag nilang bulausan o 'yung wallowing area ng mga tamaraw. Meron ding mga dumi tamaraw as indicators," patuloy niya.

Sinabi rin ni Sy-Viray na may lugar kung saan nakita na talaga ang tamaraw.

“Isa po itong indikasyon na maganda pa po ang ating mga kapaligiran at likas-yaman,” patuloy niya.

Hindi gaya ng mga kauring hayop gaya ng mga baka o kalabaw, gumagala at kayang mamuhay na mag-isa o walang kasamang grupo ang mga tamaraw.

Noong 1900s, nasa 10,000 ang kanilang populasyon pero bumaba na ito sa hanggang 300 na lamang ngayon, ayon sa wildlife biologist na si Jay Fidelino.

Bagaman nakikita ang mga tamaraw sa Mindoro, pinaniniwalaan na dating gumagala ang naturang mga hayop sa iba pang bahagi ng Luzon at maging sa Visayas.

FRJ GMA News