Kumusta na nga ba ang kalagayan ni Michelle Dee at ang samahan nila nina Rhian Ramos at Samantha Panlilio kasunod ng kinakaharap nilang kontrobersiya noong nakaraang Enero?

“I'm okay, Tito Boy. I'm very well. Especially kasi January pa ‘yun nangyari. I'm really focused on the things that I'm working on,” sabi ni Michelle nang kumustahin ni Tito Boy sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Pero nobody wants to be put in that spot, to be under national spotlight, scrutiny, accusations, especially without fact-checking,” pagpapatuloy niya.

Ipinagpapasalamat ni Michelle na mapanuri na rin ang mga tao ngayon at hindi basta-basta naniniwala sa kanilang mga nababasa.

“Pero I guess I'm also lucky na matalino na 'yung mga tao ngayon. Matalino silang manghusga. They can connect the dots. They can check facts. They can discern. And we've always said this. The truth is going to come out. And it has been coming out. And you can see it's a general opinion naman po talaga,” saad niya.

Dagdag ni Michelle, hindi rin naapektuhan ng isyu ang kanilang pagkakaibigan nina Rhian at Samantha.

“Hindi naman po naapektuhan. We're still very, very close. And we'd like to keep it that way,” dagdag niya.

Bukod dito, nagsampa na rin sina Michelle ng kaso laban sa ilang social media pages at mga indibiduwal na nagpakalat ‘di umano ng mga fake news.

“I mean, honestly, Tito Boy, kasi fake news is such a problem nowadays. And it's so easy to come out with a story without even fact-checking. And I think people should stay accountable. Hindi naman porke’t may source ka, it means na totoo. And a lot of people are victim to that,” sabi niya.

“Like, I just hope the truth comes out in that regard. And I definitely don't agree na dapat binibigyan pa ng panahon ang mga nag-fake news,” dagdag ni Michelle.

Noong Enero, isang 40-anyos na lalaki na si “Totoy,” hindi niya tunay na pangalan at nagpakilalang driver at personal assistant ni Rhian, ang nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Rhian, Michelle, Samantha, dalawa sa mga bodyguard ni Michelle, at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Ikinulong siya di umano ng mga ito sa isang silid at binugbog matapos maakusahan ng pagnanakaw ng isang angpao na naglalaman ng mga pribadong litrato.

Nagsampa naman si Michelle ng reklamong perjury sa NBI laban kay Totoy. --Jamil Santos/FRJ GMA News