Nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo ang dalawang pulis—isang lalaki at isang babae-- sa Police Regional Office-Caraga (PRO-13) dahil sa hinalang pagkakaroon nila ng relasyon kahit na mayroon na silang kani-kaniyang asawa.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nahaharap sa reklamong adultery at misconduct makaraang mabisto ng mister ng policewoman na kasama ng huli ang lalaking pulis habang nasa loob ng isang inupahang kuwarto nitong Miyerkules sa Butuan City.
“Hence the filing of a criminal act for adultery and an administrative case against both personnel for the act complained of,” ayon sa pahayag ng Police Regional Office 13.
Binigyang-diin ng PRO-13 na hindi nito kukunsintihin o palalampasin ang anumang gawaing sumisira sa kasagraduhan ng kasal at sa pamilya.
“As law enforcers, we are bound by a higher standard of morality, integrity, and discipline. We are expected to serve as role models in our communities and within our households living a life free from immoralities and uncalled acts which is equally required as continuous qualification in the service,” dagdag ng PRO-13.
Tiniyak naman ni PRO-13 Director Brig. Gen. Marical Mariano Magistrado IV, sa publiko na magiging patas at transparent sa kaso ng dalawa nilang tauhan.
Aniya, walang espesyal na pagtrato o konsiderasyon ang ibibigay sa mga sangkot na tauhan, at haharap sila sa kaukulang kasong kriminal at administratibo, kabilang ang posibleng pagtanggal sa serbisyo, kung mapatutunayang may pananagutan.
“Let this serve as a warning to all personnel of PNP Caraga: The leadership will not close its eyes on upon any immoral acts and any form of misconduct that will tarnish the badge and reputation of this organization. Anyone who opts to engage in similar or any act scandalous that will compromise the values that we swear to protect will be dealt with by full force of the law,” ayon sa PRO-13. – FRJ GMA News

