Nagsalita si Eric Fructuoso tungkol sa napapansin ng ilan na lagi silang magkasama sa social media ni Kim Rodriguez. May relasyon nga ba sila? Alamin.
Sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” diretsahang tinanong ng host na si Susan Enriquez si Eric tungkol sa status nila ni Kim.
“Sasabihin ko 'yung si Kim, ang buddy-buddy ko talaga,” tugon ng aktor. “Because magkalapit lang bahay namin. Somewhere within the area rin.”
Diretsahang tanong ni Susan, “So hindi kayo mag-jowa?”
“Hindi,” sagot ni Eric.
Ayon sa kaniya, tila anak niya na rin si Kim.
“Actually, ang totoo niyan, masakit man sabihin. Parang feeling ko minsan, ‘pag kasama ko siya, parang kasama ko 'yung anak ko. Pareho silang kilos, pareho silang makulit,” anang aktor.
Nagpaliwanag siya kung bakit sila palaging magkasama ni Kim sa social media.
“Ang linya ko kasi, papuntang healthy lifestyle. Siya, ganu’n din,” aniya.
Bukod sa nagkasama sila sa isang TV series, pareho rin silang nasa ilalim ng talent manager na si Ogie Diaz.
“Isa pang close namin si Mark Manicad. Kaming tatlo talaga 'yung magba-buddies. Nataon lang, mas malayo lang 'yung bahay ni Mark at mas tamad siya lumabas,” paliwanag ni Eric.
“So ‘yun lang 'yung difference. Kaya kami ni Kim ang madalas magkasama,” paliwanag niya.
Babaero?
Nagsalita rin si Eric kung masasabi ba niyang babaero siya.
“Ay, hindi po. Marupok nga lang,” biro niya.
“Ang lalaking babaero, gumagawa ng effort para makakuha ng chicks. Hindi po ako ume-effort,” natatawa niyang sabi.
Tinanong ni Susan kung pagiging pogi lamang ang puhunan ni Eric.
“Hindi ko masabi. Parang ang kapal naman ng mukha ko. Pero parang ganu’n na nga,” natatawang niyang sagot.-- FRJ GMA News
