Inihayag ni Senator Panfilo Lacson nitong Sabado na maaaring humantong sa isang "reverse trial" ang kasong plunder na isinampa laban kay Senator Rodante Marcoleta kaugnay ng P75 milyong kontribusyon sa kampanya na natanggap ng huli bago ang halalan sa pagka-senador sa 2025.

"REVERSE TRIAL: The prosecutor may just sit and watch with folded arms while the respondent argues against himself and the damning evidence that he himself presented in plain view of all the witnesses who watched his 'admission against interest' on national TV," sabi ni Lacson sa isang post on X.

Sinabi ni Lacson na inamin ni Marcoleta sa national television na nakatanggap siya ng P75 milyong perang donasyon bilang SAGIP party-list Representative, ngunit hindi niya ito idineklara sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Nagsampa nitong Biyernes ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong plunder at tatlong bilang ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng mga regalo.

Kinasuhan din ang dating kongresista na si Mike Defensor at ang mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.

Nagdeklara si Marcoleta ng net worth na P51.9 milyon noong nakaraang taon at iniulat na gumastos ng P112 milyon sa kaniyang kampanya sa pagka-senador. Sa isang paglabas sa telebisyon, sinabi niyang natanggap niya ang P75 milyon sa tatlong tranche noong Enero 2025 mula sa mga donor na humiling na hindi siya pangalanan.

Iginiit niya na dahil natanggap ang mga pondo bago magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya, dapat itong ituring bilang "personal funds."

Gayunpaman, ikinatwiran ni Lacson na hindi ito maaaring gamitin ni Marcoleta bilang depensa dahil nagsisilbi pa rin siyang SAGIP party-list representative nang matanggap niya ang pera.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Marcoleta para sa komento ngunit wala pang tugon. —VBL GMA News