Labis ang pighati ng isang ina na tumakas sa kaguluhan sa Marawi City kasama ang kaniyang pinakamamahal na anak. Bagaman natakasan kasi nila ang giyera, pumanaw pa rin ang kaniyang anak nang dahil sa sakit.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, naglabas ng sama ng loob si  Aquizah Barazar tungkol sa pinsalang idinulot ng Maute group sa kanilang mga mamamayan ng Marawi.

"Napakasakit po sa akin kasi without this war hindi po mamamatay ang anak ko. 'Yun po ang naidulot sa amin ng ginawa ng Maute group, andaming namatay po," naiiyak na pahayag ng ginang.

Pumanaw ang anak ni Aquizah na si Aayyeed na dinapuan ng sakit matapos silang makatakas mula sa Marawi City.

Dahi hindi kinaya sa Tamparan hospital ang sitwasyon ni Sayyeed, inirekomenda na dalhin na siya sa Iligan City. Ngunit dahil sa kawalan ng masasakyan, ilang araw pa bago siya nadala sa Iligan at doon na binawian ng buhay dahil sa meningitis.

"One week po na naghihintay siya para ma-itransport dito sa Iligan. Kung sana kung nai-transport dito nang mas maaga, buhay pa sana ang bata," ayon kay Dr. Hanif Comayat, volunteer doctor-ARMM Heart.

Dalawang araw nang patay si Sayyeed at pahirapan pa rin na makakuha ng sasakyan si Aquizah para maihatid sa huling hantungan ang anak sa Marantao.

At nang makakuha ng masasakyan, kinalong na lang niya ang bangkay ng anak at ilang oras na bumiyahe patungo sa ligtas na lugar na paglilibingan ng bata.

"Hindi ko po kaya, hindi ko po malilimutan. Yung anak ko po, he's a special child, mahal na mahal ko po siya. Because of this war, because of this giyera 'yon ang nangyari sa anak ko, nawala sa akin ang anak ko," hinagpis ng ina. -- FRJ, GMA News